-- Advertisements --

Iimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar, ayon kay Committee chairman Sen. Panfilo Lacson.

Aniya, dati nang inimbitahan ng Senado si Olaivar, bago pa man natapos ang huling pagdinig ng makapangyarihang komite.

Kung hindi aniya sisipot ang dating DepEd official, papadalhan na siya ng subpoena. Kung hindi pa sisipot sa naturang panahon, maaari na aniyang i-contempt ng Senado ang dating opisyal.

Ayon kay Lacson, maraming mga impormasyon na maaaring maibahagi ni Olaivar sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mataas na kapulungan, kasama na ang posibleng koneksyon niya sa ilang mga mambabatas, at sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways.

Unang inakusahan ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo si Olaivar na tumanggap ng 15% commitment mula sa P2.85 billion na halaga ng mga proyekto.

Karamihan sa mga naturang proyekto ay mga flood control project habang ang iba ay road maintenance projects sa probinsiya ng Bulacan.

Kasunod ng pagkakadawit niya sa nabunyag na iskandalo, tuluyan din siyang nabitiw sa kaniyang pwesto.

Una na ring itinanggi ni Olaivar ang mga naturang alegasyon kasabay ng pagsasabing ‘welcome’ para sa kaniya ang anumang imbestigasyon.