CAGAYAN DE ORO CITY- Nakalaya na ang dating bise-alkalde ng Cagayan de Oro City na kabilang sa arestado ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group -7 ng ikinasa ang entrapment operation sa Mandaue City,Cebu.
Ito ay matapos hindi nakitaan ng pulisya sa imbestigasyon na basehan na kabilang si former City Vice Mayor Ian Ceasar Acenas na nasangkot sa ‘double your money’ fund scam na pinatakbo ng Phoenix E.A Holding International na pagmay-ari ng isang Ailyn Matulac na taga- Davao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Patag Brgy Kagawad Ronald Acenas,kapatid ng dating bise-alkalde na lumalabas umano na tanging nagsilbing investor lamang ito na nais makuha ang kanyang payout mula sa pangako ni Matulac.
Sinabi ni Acenas na katunayan ay kahapon pa sana sila makauwi ng kanyang kapatid subalit hinahanapan umano ng pulisya ng cedula na nagpatunay na lehitimo na residente ito ng Cagayan de Oro City.
Ang dating bise-mayor kasama sina Maria Esperanza Makinano ng Cagayan de Oro;Arjon Gumban ng North Cotabato at Adjetor Daya Jr ng Davao City ay tumungo sa Cebu dahil nangako umano si Matulac na ma-release ang kanilang payout subalit sabay sila na aresto dahil sa entrapment operation.
Nag-uugat ang pagka-aresto sa grupo ni Matulac ng mayroong 10 investors na nais makuha ang kanilang 400 milyon piso na investment na bigo maisauli nang maipasok sa Phoenix E.A Holding International na dating kilala sa pangalang Blitz Unlimited Incorporated na unang nag-operate sa Davao City at Cagayan de Oro City.