-- Advertisements --

Umapela si Senador Erwin Tulfo sa Department of Budget and Management (DBM) na tiyakin na walang political insertions sa panukalang 2026 national budget. 

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), nanawagan si Tulfo sa Budget Department na maging maagap sa pagtukoy at pagbabantay sa mga kahina-hinalang item sa National Expenditure Program (NEP). 

Ayon kay Tulfo, ang ilang flood control programs na nakapaloob sa NEP ay kahalintulad ng nakaraan at maaaring magmukhang “pork barrel,” katulad ng isyu sa pork barrel scam noong panahon ni Janet Napoles. 

Binigyang-diin ng senador na mas malala ang sitwasyon ngayon dahil ang mga pondong nakalaan sa mga kuwestiyonableng proyekto ay nagkakahalaga ng bilyon-bilyon, at posibleng umabot pa sa trilyon.

Ibinunyag din ni Tulfo na ilang flood control projects sa mga lalawigan ng Antique, Iloilo, Apayao, Nueva Ecija, at Kalinga ay may parehong halaga ng pondo, na nagdudulot ng pangamba na ito ay mga political insertions.

Dagdag pa rito, binigyang-linaw niya na ang mga iregularidad ay hindi lamang nakikita sa bicameral conference committee, kundi pati na rin sa mismong NEP.

Sinabi ni Tulfo na mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kumilala na may mga kuwestiyonableng items sa panukalang budget, partikular na sa flood control projects, at ang mga ito ay pinaniniwalaang bunga ng insertions.

Binigyang-diin ng senador na ang mga numerong nakapaloob sa NEP ay hindi nakapagbibigay ng tiwala, lalo na kung makikita ang magkakaparehong halaga ng project costs at hindi balanseng distribusyon ng flood control budgets. 

Aniya, mahalagang matiyak kung ang pondo ay tunay na mapupunta sa proteksyon ng mga komunidad at hindi lamang sa interes ng ilang pulitiko.