-- Advertisements --

Naniniwala si Mexican superstar Erik Morales na ang dati nitong karibal na si Sen. Manny Pacquiao ang magwawagi sakaling matuloy ang pinaplantsang laban nito sa Amerikanong si Mikey Garcia.

Ayon kay Morales, bagama’t dekalibreng boksingero si Garcia, mananaig pa rin daw si Pacquiao dahil sa haba ng karanasan nito sa boksing.

“Mikey Garcia is a great fighter. Manny Pacquiao is very, very strong though. Pacquiao shows that there are levels to this game. I think that experience will win out and Pacquiao wins,” wika ni Morales.

Una rito, sinabi ni Garcia na malalaman na raw sa mga susunod na araw ang mga detalye tungkol sa nilulutong bakbakan nila ng Fighting Senator.

Inihayag ni Garcia na posibleng maisapubliko na rin daw ang dagdag pang mga impormasyon gaya ng petsa at lokasyon ng magiging boxing match nila ni Pacquiao.

-- Advertisement --

Matatandaang tatlong beses na nagtuos sina Pacquiao at Morales kung saan dalawang beses na nagwagi ang Pinoy ring icon.