-- Advertisements --
Louie Musni Miranda

Nakatakda nang sampahan ng kaso ang isang contractual employee ng Department of Justice (DoJ) dahil sa pangingikil ng milyon-milyong cash sa Bureau of Customs (BoC) brokers.

Nahaharap ito sa kasong robbery extortion.

Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI)-Special Action Unit (NBI-SAU) ang suspek na si Louie Musni Miranda.

Sinabi ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, nag-ugat ang reklamo dahil sa paghingi raw ng cash ng isang alyas “Miranda” sa mga brokers ng BoC.

Ayon sa nagreklamo, nakatanggap daw ito ng tawag mula kay alyas “Miranda” na nagpakilalang emisaryo ni Ret. Gen. Camilo Pancratius P. Cascolan. 

Sinabi raw ni alyas na si Gen. Cascolan ay ang incoming BOC Commissioner at inutusan ito ng dating heneral na mangolekta ng kontribusyon na P1 million kada broker bilang “pasalubong” sa incoming BOC Commissioner.

Ito ay para maiwasan daw na magkaroon ng problema ang mga brokers sa kanilang mga shipments kapag pormal nang makaupo sa puwesto si Cascola.

Ang kontribusyon daw ay tataas pa sa P10 million kada broker sa Enero 2021. 

Agad naman umanong nakipag-ugnayan ang complainant kay Major Camilo P. Cascolan Jr., ng Enforcement and Security Service (ESS)- BoC na kapatid ni Gen. Cascolan.

Dito lumabas na hindi naman daw ipinag-utos ni General Cascolan kay alyas Miranda na mangolekta ng cash sa mga brokers kaya agad itong pinaareso sa NBI.

Nataon pa umanong sa araw na iyon ay nagpadala ng mensahe si alyas “Miranda” sa complainant na humiling ng meeting sa Quezon City para ibigay ang P1 million.

Matapos naman ang koordinasyon sa mga pulis at CIIS-BOC, NBI-SAU ay agad pumunta ang operatiba sa meeting place.

Agad inarestio ang subject matapos nitong kunin ang paper bag na mayroong entrapment money na iniabot mismo ng complainant.