-- Advertisements --

Kinumpirma ng militar ang pagkakasamsam ng limang matataas na kalibre ng armas sa naganap na tatlong magkakasunod na engkwentro laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ang mga sagupaan ay naganap sa tri-boundary area na kinabibilangan ng Barangay Agpalali, Barangay Artuz, at Barangay Tabon, na pawang matatagpuan sa bayan ng Tapaz, lalawigan ng Capiz.

Kabilang sa mga nakumpiska ang dalawang M14 rifle, isang M16 rifle, isang AK-47 assault rifle, at isang Garand rifle.

Ang pagkakaroon ng mga armas na ito sa poder ng NPA ay nagpapakita ng kanilang kakayahan na magsagawa ng karahasan at pananalakay sa rehiyon.

Sa kasamaang palad, sa isa sa mga engkwentro, isang sundalo mula sa panig ng pamahalaan ang bahagyang nasugatan.

Ang sundalo ay tinamaan ng shrapnel sa bahagi ng kanyang balikat na agad namanng dinala sa pinakamalapit na ospital para lapatan ng lunas at sa kasalukuyan, ang kanyang kalagayan ay istable at nasa mabuting kondisyon na.

Ayon kay 3rd Infantry Division Commander MGen. Michael Samson, ang matagumpay na pagkakasamsam ng mga armas ay isang malaking dagok sa NPA at lubos na makakapagpahina sa kanilang puwersa at kakayahan na magsagawa ng mga iligal na aktibidad.

Tiniyak ni MGen. Samson sa publiko na ang operasyon ng militar ay magpapatuloy upang masiguro ang kapayapaan at kaunlaran sa buong Western Visayas.