Inanunsyo ng Embahada ng India sa Pilipinas na mula Agosto 1, 2025 hanggang Hulyo 31, 2026, maaari ng kumuha ang mga Pilipino ng libreng 30-araw na double-entry e-tourist visa papuntang India.
Ang aplikasyon ay kailangang gawin online, nang hindi bababa sa 4 na araw bago ang pag-alis, at maaaring mag-apply hanggang 30 araw bago ang planong biyahe.
Ang visa ay may 30-araw na bisa mula sa unang araw ng pagdating sa India. Kailangang lamang na may valid na pasaporte ng hindi bababa sa 6 na buwan ang aplikante, at magpresenta ng return o onward ticket at patunay ng sapat na pondo.
Libre lang ang visa para sa mga kategoryang ito pero may bayad pa rin ang ibang uri ng e-visa.
Ang mga e-visa ay hindi maaaring palawigin o baguhin at hindi rin puwedeng gamitin sa mga restricted o protected areas.
Para naman sa mga nais makakuha ng regular na paper visa, kabilang ang tourist visa mula sa Embahada, kinakailangan pa rin ang pagbabayad ng visa fees.
Nauna ng inanunsiyo ni Indian Prime Minister Narendra Modi na darating ang panahon na hindi na kailangan pang magbayad ng mga Pilipino para makakuha ng tourist visa para makabiyahe sa India kasunod ng kaniyang bilateral meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.