-- Advertisements --

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mahigpit nilang ipatutupad ang election gun ban sa Metro Manila simula ngayong araw Enero 9.

Ayon kay NCRPO chief Police Major General Vicente Danao Jr., lahat daw ng klaseng baril na mayroong license at permit to carry ay hindi na dapat ilabas sa bahay ng gun owners bilang pagsunod sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec).

Kung maalala, kamakailan ay nag-isyu ang Comelec ng Resolution 10728 na nagbabawal sa hindi otorisadong paggamit ng mga baril at bodyguards habang papalapit ang May 9, 2022 elections.

Ipinagbabawal sa naturang resolusyon ang pagdadala, pagbiyahe ng mga firearms o deadly weapons sa labas ng bahay o sa mga negosyo maging sa lahat ng public places mula Enero 9 hanggang Hunyo 8, 2022.

Ang gun ban ay mayroonng kabuuang 150 calendar days.

Sa ilalim ng resolusyon, ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) at mga miyembro ng law enforcement agencies lamang ang exempted sa gun ban.

Pero kailangan muna nilang kumuha ng authorization mula sa Comelec at kailangan ding magsuot ng agency-prescribed uniform habang naka-duty sa election period.

Kaya naman mahigpit ang bilin ni Danao sa mga personnel ng law enforcement agencies na gumamit ng tamang uniporme para maiwasan ang ano mang gulo.

Una nang siniguro ng PNP na magpo-focus ang mga ito sa pag-kontrol sa paglaganap ng illegal firearms at paggamit ng bodyguards ng mga pulitiko para siguruhin ang mapayapa at maayos na halalan sa Mayo.

Maliban dito, sa ano mang oras ay magche-check din umano ang PNP ng vaccination cards ng ating mga kababayan na lalabas sa kanilang mga bahay.