Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano, nahihirapan si Pang. Rodrigo Duterte na pumili ng susunod na Chief PNP kapalit ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar.
Tatlong araw bago ang nakatakdang turn-over ceremony sa susunod na chief PNP ay wala pa rin napipili ang Pangulo na kapalit sa pwesto ng magre-retirong si Eleazar.
Sinabi ng Kalihim nahihirapan ang Pangulo na mamili sa listahan dahil kakilala niya at pare pareho ang mga ito na naglingkod sa kaniya.
Kung susundin ang rules of succession ang mga posibleng kandidato bilang susunod na PNP chief ay sina Lt Gen Joselito Vera Cruz, The Deputy Chief for Administration (TDCA); Lt Gen. Israel Ephraim Dickson, The Deputy Chief of Operation; at Lt Gen. Dionardo Carlos, The Chief Directorial Staff (TDCS).
Matunog din ang pangalan ng ilang mga opisyal na na-assign sa Davao ito ay sina NCRPO Chief MGen Vicente Danao, Civil Security Group Dir. BGen. Val De Leon, CIDG Dir. MGen Albert ferro at Directorate for Operations (DO) MGen. Rhodel Sermonia.
Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Chief Eleazar sinabi nito na wala pang napipili ang Pangulo kung sino ang kapalit nito.
Si Eleazar ay kasalukuyang nasa transition period sa kung sino mang papalit sa kaniya.
Ayon kay Eleazar ang kaniyang ginagawa ngayon ay siguraduhin na maayos ang transition para sa pagsasalin ng pamumuno sa PNP kung sino man ang hihirangin ng Pangulo.
Naniniwala naman si Eleazar na ang isinumiteng shortlist ni Sec Año sa Pangulo, ay mga qualified at competent senior police officials na kayang pamunuan ang PNP.
Siniguro naman ni Eleazar kung sino man ang susunod na pinuno ng Pambansang Pulisya ay susuportahan ito ng lahat ng PNP members.