-- Advertisements --

elcac

Mariing pinabulaanan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang alegasyon ni Sen. Panfilo Lacson na ginamit ng PNP ang pondo nila sa National Task Force To End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa pagsasagawa ng survey sa mga iba’t ibang baranggay sa buong bansa.

Sa isang statement, nilinaw ni Eleazar na walang kautusan sa mga local chief of Police na kunin ang pangalan, contact number at address ng 30 porsiyento ng residente ng bawat barangay dahil wala ding pangangailan na mag-census ang PNP.

Ang ginagawa aniya ng PNP ay pinagsisikapang pagandahin ang kanilang relasyon sa mga lokal na komunidad para mapalakas ang kanilang anti-drug, Anti-crime, at Anti-insurgency efforts.

Buwelta ni Eleazar, walang pumapansin sa mga terroristang komunista na nagsasagawa ng kanilang sariling community mobilisasyon; pero kung ang PNP ang mag-mobilisa ng komunidad laban sa mga komunista, sila ang pinupuna.

Nagpasalamat naman si Eleazar kay Sen. Lacson sa kanyang pagbibigay ng pagkakataon sa PNP na ipahayag ang kanilang panig ukol sa mga maling balita na ikinakalat ng mga tinatamaan ng tagumpay ng NTF-ELCAC.

Giit ng PNP Chief, ang lahat ng kanilang aktibidad na may kinalaman sa NTF-ELCAC ay “above Board” at bukas sila sa anumang imbestigasyon.