-- Advertisements --

cpnpguillor1

Nagbabala si PNP Chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar laban sa mga kandidato na nakikipagsabwatan sa mga sindikato ng iligal na droga para matiyak ang kanilang pagkapanalo sa halalan sa susunod na taon.

Ang babala ni PNP chief ay kasunod ng posibilidad na pondohan ng mga sindikato ng iligal na droga ang kampaniya ng ilang kandidato kapalit ang proteksiyon sakaling palaring manalo.

Binigyang-diin ni Eleazar na siya mismo mag- expose sa mga kandidatong sangkot sa iligal na droga at manguna sa pagsampa ng disqualification case at sampahan ng kaukulang kaso.

Kung maalala ilan sa mga nahahalal na lokal na opisyal ay naaaresto dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Inihalimbawa ni Eleazar ang kaso ng Alkalde sa Quezon Province na naaresto noong 2001 dahil sa pagbibiyahe ng halos 500 kilo ng shabu gamit ang ambulansiya at ang pinakahuling insidente nitong Hunyo kung saan ay isang Alkalde sa Maguindanao ang naaresto dahil sa pag-iingat ng mga armas at mahigit P200,000 halaga ng iligal na droga.

Inatasan na rin ni Eleazar ang PDEG at Intelligence Group na imonitor ang ganitong mga posibleng aktibidad.

“Illegal drugs operation is a lucrative business and we are not discounting the possibility that either some erring candidates would use this for fund-raising or the drug syndicates would offer campaign donations in exchange for protection once they are elected. Hindi natin papayagan ito,” wika ni Gen Eleazar.

Sinabi pa ng Chief PNP: “Hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang lahat ng hirap at sakripisyo ng PNP sa aming agresibong kampanya laban sa iligal na droga.”

Mula 2016, aabot na sa mahigit P64 bilyong halaga ng shabu ang nasasabat habang 307,521 illegal drugs personalities kabilang na ang 3,244 High-Value Targets, ang naaresto sa kanilang kampaniya kontra iligal na droga.

Noong isang buwan, nakumpiska ng iba’t ibang law enforcement agencies sa kanilang operasyon sa pamumuno ng PDEA at PNP ang mahigit P5.5 bilyong halaga ng shabu at pagbagsak ng 11 big-time drug traffickers kasama na ang pangunahing contact ng isang international drug syndicate sa serye ng operasyon sa Zambales, Bataan at Cavite.

Samantala, pinapurihan ng Chief PNP ang mga tauhan nito na nakibahagi sa operasyon sa Cavite sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkakasabat ng mahigit P1bilyong halaga ng shabu at pagkakaaresto sa mga suspek na sina Jorlan San Jose, 26; Joseph Maurin, 38; at Joan Lumanog, 27.

Pinapurihan din niya ang bagong talagang Regional Director ng Police Regional Office 7, Police Brig. Gen. Roque Eduardo Vega sa pagkakasabat ng halos P41.5 milyong halaga ng shabu sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Cebu.