-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakaranas na ng malawakang pagbaha ang iba’t ibang lugar sa Maguindanao at North Cotabato dahil sa halos araw-araw na buhos ng ulan dulot ng low pressure area at Inter Tropical Convergence Zone.

Ang mga lugar na ito ay kinabibilangan ng mga bayan ng Pagalungan, Datu Montawal sa Maguindanao, at bayan naman ng Pikit sa North Cotabato.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office-Maguindanao, sa mga bayan ng Pagalungan at Datu Montawal ay halos lahat ng kanilang mga barangay ay lubog na sa baha lalo na ang mga nasa gilid ng ilog.

Maging ang mga paaralan, mga mosque, kabahayan at mga pananim ay kasalukuyang lubog sa tubig.

Sa bayan ng Pikit, pinangunahan naman ng Municipal-DRRMO ang pamamahagi ng trapal at bigas sa mga malubhang inabot ng baha sa mga liblib na lugar ng bayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang assessment ng bawat local government units sa pinsalang iniwan ng pananalasa ng malawakang pagbaha sa nabanggit na mga lugar.

Kasabay nito, nanawagan ang mga otoridad sa mga residente na mag-ingat at maging alerto lalo na at makakaranas ang bansa nga La Nina hanggang sa susunod na taon.