-- Advertisements --

Bumaba ng 11.5 percent ang gross domestic products (GDP) ng Pilipinas sa third quarter ng taon dahil sa apektado pa rin ng COVID-19 public health crisis ang business activity at consumer spending, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA)

Pero ang economic decline na ito mula Hulyo hanggang Setyembre ay mas mababaw kumpara sa naitalang 16.9 percent contraction na naitala naman noong second quarter.

Sinabi ng PSA na nakakaapekto sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa ang umiiral pa rin na quarantine restrictions.

Ang Metro Manila, na siyang main economic hub ng bansa, ay nagpatupad ulit ng dalawang-linggong lockdown noong Agosto para pabagalin ang pagtaas ng bilang ng mga natatamaan ng COVID-19.

Pero simula noong buwan na iyon ay unti-unti nang niluluwagan ulit ng pamahalaan ang quarantine restrictions para na rin sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Sinabi ng PSA na tanging ang sektor ng agrikultura lamang ang nagawang tumaas o gumanda ang kalagayan sa third quarter kung ikukumpara sa nakalipas na taon.

Sa naturang period, 0.1 percent ang ambag ng sektor ng agrikultura sa GDP.

Pangatlo ito sa top contributors sa production side na tinukoy ng PSA, kung saan una sa listahan ang financial at insurance activities (0.5%) at pangalawa naman ang public administration at defense; compulsory social security (0.2%).