-- Advertisements --

Nagpalit muna ng laro ang world-class pole vaulter na si EJ Obiena nang hawakan nito ang raket upang makipaglaro sa Philippine tennis star na si Alex Eala sa isang magaan at masayang friendly match sa Aichi-Nagoya, Japan.

Sa video ni Philippine Olympic Committee (POC) Secretary General Wharton Chan na nagsilbing umpire, ang nakatutuwang palitan ng bola at palitan ng biro ng dalawang pambansang atleta sa labas ng kanilang opisyal na kompetisyon ay nagpagaan sa pressure ng kanilang mga event.

Ipinamalas ni Obiena ang kanyang forehand at maging ang isang one-handed backhand return na nakapuntos laban kay Eala, habang nagbibiro pa ito na subukan din ng dalaga ang pole vaulting balang araw.

Hindi rin napigilan ng dalawa ang magtawanan nang aksidenteng maitapon ni Obiena ang bola sa labas ng bakod matapos manghingi ng paumanhin kay Eala bago pa man patamaing muli ang bola.

Umani ng positibong reaksyon mula sa mga tagahanga ang naturang magandang samahan ng dalawang kampeon habang nagpapahinga at nagpapakita ng suporta sa isa’t isa sa gitna ng kampanya sa Asian Games.