-- Advertisements --

Patuloy ang clearing at safety operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa EDSA-Ortigas Interchange noong Linggo bilang paghahanda sa muling pagbubukas nito sa mga light vehicle ngayong araw ng Lunes, Abril 27.

Ayon sa DPWH, kasabay ng paglilinis at pag-aayos ng kalsada ay isinasagawa rin ang muling paglalagay ng road safety devices at iba pang kinakailangang imprastraktura bago ito buksan sa mga motorista.

Nakatakda ring magsagawa ng load testing ang ahensya bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na ligtas na madaanan ang tulay at interchange.

Ang pansamantalang pagsasara ng lugar ay ginawa matapos ang bus fire incident noong Biyernes sa southbound lane, na nag-udyok sa inspeksyon at structural assessment ng mga awtoridad.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, ginamit ang pagsasara upang maisagawa ang malawakang clearing, pag-aayos ng nasirang safety devices, at load testing.

Nilinaw ng DPWH na bagama’t magbubukas na ito sa light vehicles, magpapatuloy pa rin ang retrofitting at repair works sa mga apektadong bahagi para sa pangmatagalang kaligtasan ng mga motorista.