Nadagdagan pa ang bilang ng mga medical associations, medical practitioners at frontliners na nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim na ang National Capital Region (NCR) sa enhanced community quarantine (ECQ) .
Ito ay dahil na rin sa exhaustion at stress na nararanasan ng mga health workers na nagsisilbing frontliners dahil sa pagbuhos ng mga pasyenteng positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang mga ospital at quarantine facilities.
Sinabi ni Philippine Medical Association (PMA) President Jose Santiago sa virtual press conference na nais nilang ilagay muna sa ECQ ang Metro Manila mula ngayong araw Agosto 1 hanggang Agosto 15 para makapagpahinga naman ang mga medical frontliners.
Sa parehong press conference sinabi rin ni Philippine College of Physicians vice president Encarnita Limpin na pagod na umano at mga frontliners at nababawasan na rin ang mga ito kaya naman hindi raw mabigat ang kanilang hiling na dalawang linggong ECQ para sa mga frontliners.
Para naman kay Philippine Society of Public Health Physicians’ Dr. Lei Camiling na ang pagluluwag ng lockdown ay nagbigay daw ng “false sense” na ang COVID-19 situation ay nawala na.
Pero sinabi ni Camiling na sa ngayon ay hindi raw bumubuti ang sitwasyon lalo na kapag pagbabasehan ang araw-araw na data na inilalabas ng Department of Health (DoH) na patuloy ang paglobo ng mga positive cases ng covid araw-araw.
Naniniwala naman si Philippine College of Physicians’ Dr. Antonio Dans na pagkakataon din sa pamahalaan na pag-usapan ang strategies sa mga medical professionals habang nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila.