-- Advertisements --

Tinanggap at itinuturing na mahalaga ng Commission on Elections (COMELEC) ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagsasaad na maaari ng magsagawa ang poll body ng ‘special elections’ para sa mga bakanteng posisyon sa Kongreso, ngunit iginiit na may ilan pa silang nais linawin sa naturang desisyon.

Ayon kasi sa Korte Suprema, maaari ng magsagawa ng ‘special elections’ ang COMELEC kahit wala pang resolusyon mula sa Kongreso, dahil maaari itong magdulot ng pagkaantala dahil sa proseso ng pagsusuri sa mga komite at ilang beses na pagbasa sa resolusyon.

Sinabi naman ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na malugod nila itong tinatanggap dahil pagpapakita ito ng pagpapatibay sa kapangyarihan ng poll body ngunit kailangan nilang linawin kung kailan maaaring magsagawa ng special elections base sa impormasyong nakasaad sa isang news bulletin. Aniya, may ilan din silang kailangang baguhing batas dahil sa naging desisyon ng kataas-taasang hukuman.

Dagdag pa ni Garcia, ang pagsasagawa kasi ng special election sa isang legislative district ay maaaring gumastos ng P40 hanggang P50 milyon. At lahat ng ito ay nanggagaling lahat sa poll body.