Pumalo na sa mahigit 80 milyong Amerikano ang bumoto para sa US presidential election, ayon sa huling tala ng US Elections Project ng University of Florida.
Ito umano ang maituturing na highest participation rate sa buong kasaysayan ng eleksyon sa Estados Unidos. Mas mataas ito ng 58% sa kabuuang bilang ng electoral turnouts noong 2016.
Nagpapatunay lamang daw ito ng masinsinang interes ng Amerika sa pagboto kung saan hahamunin ni Democratic presidential candidate Joe Biden sa pagkapangulo ng bansa si President Donald Trump.
Malaking bilang dito ay mula sa mga indibidwal na bumoto sa pamamagitan ng mail-in voting at maagang in-person polling sites sa kabila ng coronavirus pandemic na hinaharap ng buong mundo.
Bahagyang mababa naman ang porsyento na nakukuha ni Trump sa national opinion polls dahil karamihan sa mga botante ang hindi sang-ayon sa paraan ng kaniyang administrasyon na pangasiwaan ang COVID-19 pandemic.
Subalit para kay Bombo International News Correspondet Magin Ferrer, tila hindi ito makakaapekto sa tunay na pulso ng mga taga-Arizona.
Isa ang nasabing estado sa itinturing na swing state, na may 11 electoral votes.
Ayon kay Ferrer, maihahalintulad ang pulitika ng US sa larong basketball o football. Ibig sabihin lamang nito, kahit pangit ang performance ng sinusuportahang grupo ng mga Amerikano ay hindi ito magiging rason para kumampi sa kalaban.