Inaasahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang hanggang 10% na pagdagsa ng mga pasahero sa mga paliparan ngayong Semana Santa, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Batay sa pagtaya ng ahensya, aabot sa 550,000 na mga biyahero ang dadaan sa iba’t ibang paliparan sa bansa para sa Lenten break.
Ang bilang na ito ay kapansin-pansing mas mataas kumpara sa 500,000 na pasaherong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Iginiit ng CAAP na hindi naging hadlang ang mahal na pamasahe dahil karamihan sa mga biyahero ay nakapagpareserba na ng kanilang mga flights bago pa man sumiklab ang tensyon sa Middle East na nakaapekto nang malaki sa suplay ng krudo.
Kinumpirma ito ni CAAP public information officer Bea Bernardo.
Bilang tugon sa sitwasyon at hakbang upang maibsan ang pasanin ng mga pasahero pati na rin ng mga airlines sa gitna ng serye ng oil price hike, nauna nang inihayag ng CAAP ang pagbabawas sa mga sinisingil nitong aeronautical fees at Passenger Service Charges (PSC).
Sa ilalim ng nasabing hakbang, ibinaba ng 50% ang aeronautical fees, samantalang binigyan naman ng diskuwento na aabot sa P5,000 ang mga landing charges.
















