-- Advertisements --

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mas mataas na bilang ng mga pasaherong dumagsa sa mga pantalan nitong nakalipas na Semana Santa sa kabila pa ng krisis sa langis.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, umabot sa 3.4 million outbound at inbound passengers ang naitala sa mahigit 300 pantalan sa bansa mula Marso 28, Palm Sunday hanggang ngayong Lunes, Abril 6.

Nahigitan nito ang bilang ng mga pasaherong naitala noong nakalipas na taon na nasa 3 million.

Ayon sa PCG official, simula kahapon, Easter Sunday, nagsimula nang bumiyahe ang marami matapos ang mahaba-habang holiday break.

Iniulat din ni Comm. Cayabyab na walang naitalang major incidents sa kasagsagan ng paggunita ng Semana Santa bunsod na rin ng maagang information campaign.

Bagamat, mayroong mga 37 naitalang insidente ng pagkalunod, hindi ito kasing dami ng naitala noong nakalipas na taon na nasa 53.

Partikular na naitala ang mga insidente ng pagkalunod sa Cagayan at Aurora dahil may kalakasan ang alon sa naturang mga lugar.