Nababahala umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdami ng dengue cases sa bansa na nauwi sa pagdeklara ng Department of Health (DOH) ng national epidemic sa dengue.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sen. Bong Go na pinatitiyak ni Pangulong Duterte sa DOH na gawin ang lahat para maagapan at masugpo ang pagkalat ng dengue sa bansa.
Ayon pa kay Sen. Go, hindi niya inieendorso pa ang pagbabalik sa paggamit ng Dengvaxia vaccine laban sa dengue.
Inihayag ng senador na kailangang matiyak muna ng mga eksperto na 100 porsyentong ligtas gamitin ang nasabing bakuna.
Talagang nag-iwan daw ng takot at pangamba sa mga magulang ang kontrobersya sa Dengvaxia kaya hindi madaling makumbinsi silang pagtiwalaan ang nasabing bakuna na hanggang ngayon ay suspendido ng DOH.
Sa ngayon, dapat daw sundin ang mga payo ng DOH gaya ng paglilinis sa bakuran, agad na pagpapakonsulta sa doktor kung nagkalagnat at pagpapabakuna sa mga bata partikular laban sa tigdas at polio.