Kumpiyansa umano si Pangulong Rodrigo Duterte na isang magandang oportunidad ang kanyang ikalawang pagbiyahe sa Russia para mapaigting pa ang relasyon ng Manila at Moscow.
Kaninang umaga dumating sa Russia si Pangulong Duterte para simulan ang limang araw na Official Visit kasunod ng personal na imbitasyon ni Russian Federation President Vladimir Putin at ito ang follow-up ng kanyang 2017 trip na pinutol dahil sa nangyaring karahasan sa Marawi City.
Una niyang makakaharap sa Moscow mamayang gabi oras sa Pilipinas si Russian Prime Minister Dimitri Medvedev at bukas kay Pres. Putin habang magsasalita rin ito sa prominenteng Valdai Forum sa Sochi kaugnay sa independent foreign policy ng Pilipinas.
Nakatakda rin siyang tatanggap ng honorary doctorate degree mula sa prestihiyosong Moscow State Institute of International Relations.
Haharap din ito sa mga Russian businessmen para palawakin ang economic linkages ng Pilipinas at Russia saka makikipagkita rin sa Filipino community.
“He further considers this second visit as a good occasion to broaden Philippines-Russia cooperation in a wide range of areas, such as trade and economics, defense and military, health, and science and technology, among others,” ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.