DAVAO CITY – Nagpaabot ng kani-kanilang birthday wish ang mga anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdiriwang ng kanyang ika-75 taong kaarawan ngayong araw.

Halos pare-pareho lamang ang laman ng kanilang mensahe kung saan panalangin nila na maging maayos ang kalusugan ng kanilang ama at mapahaba pa ang buhay nito.

Ngunit si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ay nagpaalala sa Pangulo kung saan sinabi nito na mag-ingat ito laban sa umano’y mga mapagkunwari na nakapalibot sa kanya dahil mas malala pa raw ito sa virus.

Inihayag naman ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na naniniwala siyang hindi gaanong masaya ang kaarawan ng kanyang ama ngayon dahil sa problemang kinahaharap ng buong bansa hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa larawang inilabas ni Sen. Christopher “Bong” Go na pritong isda lamang ang inulam ng Pangulong Duterte sa kanyang birthday.