Ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Valdai Forum sa Sochi, Russia, ang kanyang pinaiiral na independent foreign policy kung saan hindi na lamang ito nakatuon sa traditional ally na Estados Unidos.
Sa forum na inorganisa ng mga policy makers ng Russia, sinabi ni Pangulong Duterte na nagmistulang sunud-sunuran na lamang ang Pilipinas sa kung ano ang kagustuhan ng US, bagay na hindi nakakabuti sa bansa lalo sa usapin ng defense at trade.
Ayon kay Pangulong Duterte, maging ang panloob na usapin at pamamahala sa Pilipinas na isang sovereign state ay pinakikialaman na ng US na umaastang ito lang ang nakakaalam ng tama o mali.
Bagama’t kaalyado raw ang US, puro mga refurbished o pinaglumaan ng military equipment ang ibinibigay sa Pilipinas at hinarang pa ng US Congress ang pagbili ng Armed Forces of the Philippines ng mga baril noong kasagsagan ng Marawi siege dahil isyu ng human rights.
Maliban sa US, pinatutsadahan din ni Pangulong Duterte sa forum ang Canada dahil sa pagtangging bentahan ang Pilipinas ng mga inorder na helicopters na panlaban sa mga rebelde dahil gagamitin daw ng gobyerno sa pagpatay ng mga Pilipino.
Kaya iginiit ni Pangulong Duterte na imbes na sa US lamang, mas mabuting palawakin ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa gaya sa China, Russia, Israel at sa iba pang tinatawag na non-traditional allies.
“Over the years, I have seen that the foreign policy of the Philippines always tailored that of the United States. And we can hardly go to some at that time communist countries just to explore trade and commerce,” ani Pangulong Duterte.
“It was looked upon by the American government as not a pleasant one, not a new development that would make them happy.”