(Update) Tiniyak ng MalacaƱang na nasa maayos na kondisyon si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang insidente ng pagsemplang nito sa motorsiklo kagabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na kailangan pang magpa-checkup ni Pangulong Duterte dahil kaunting gasgas lamang sa siko at tuhod ang tinamo nito.

Ayon kay Sec. Panelo, walang dapat ipag-alala ang publiko at hindi na mahalaga ang magkakaibang bersyon sa kung papaano naganap ang insidente.

Kung maaalala, inihayag ni Presidential Security Group Commander Gen. Joel Eriel Niembra na sumabit lamang sa bato ang isang gulong ng three-wheeled motorcycle ni Pangulong Duterte habang palabas ng garahe.

Ayon naman kay Sen. Bong Go, sumemplang si Pangulong Duterte pagliko nito at naitukod nito ang kanyang siko kaya medyo sumakit ang balakang nito.

Sa bersyon ni Sec. Panelo, habang naka-park umano ang motor ni Pangulong Duteete ay inaabot daw nito ang kanyang sapatos kaya nahulog sa motor at nagkagasgas ito.