Tahasang inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “syndicated estafa” ang mga may-ari o shareholders ng water concessionaires na Manila Water at Maynilad kaugnay sa umano’y maanomalyang probisyon sa pionasok na kontrata sa gobyerno.
Sa kanyang pananalita sa harapan ng mga biktima ng lindol sa Digos City, sinabi ni Pangulong Duterte na nilabag ng mga nasabing water concessionaires ang anti-corruption laws ng bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, maraming nagtatanong kung nasaan ang mga malalaking isda sa korupsyon kaya sinasampolan na niya umano sina Ayala at Pangilinan.
Kasabay nito, nagbanta si Pangulong Duterte na ipapaaresto nito ang mga may-ari ng water concessionaires at tiyak niyang swak sila sa kasong syndicated estafa.
“Yang nagtatanong kayo, ‘Saan ‘yung big fish? Saan ‘yung mga corruption? Saan ‘yung malalaki?’ O i-deliver ko na sa inyo ngayon: si Ayala pati si Pangilinan,” ani Pangulong Duterte.
“Kita mo, maski anong insulto ko hindi… hindi na sumasagot. Sigurado, swak sila. Syndicated estafa.”
Ang Manila Water ay bahagi ng Ayala group of companies habang ang Maynilad ay jointly owned ng DMCI Holdings Inc at Metro Pacific Investments Corp. na pinamumunuan ng negosyanteng si Manny Pangilinan.