Hindi pa masabi ng Malacañang kung hanggang kailan mananatili sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, isang konsiderasyon kung bakit hindi pa bumabalik ng Maynila si Pangulong Duterte ay dahil na rin sa dami ng kaso ng COVID-19 dito sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Sec. Roqure, hindi naman maitatangging maging ang Malacañang ay napasok na ng virus kabilang ang hanay ng Presidential Security Group (PSG) at Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Inihayag ni Sec. Ropque na mas ligtas ang kalagayan ni Pangulong Duterte sa Davao maliban pa sa komportable ito doon habang patuloy na nagtatrabaho.
Samantala, muli ding tiniyak ni Sec. Roque na nasa mabuting kalagayan ang kalusugan ni Pangulong Duterte sa kabila ng lumabas na larawang pumayat siya at halata ang ibinagsak ng katawan.
“Alam ninyo po ang Malacañang kasi unfortunately ‘no, eh nandito po sa Metro Manila ang mga COVID cases. Ang pinag-iingatan po natin ay huwag magka-COVID nga ang ating Presidente. So, parang mas safe nga po siguro ang kalagayan ni Presidente na nandoon siya sa Davao ‘no. Eh mantakin ninyo naman dito lang sa PCOO, naka-63 COVID cases tayo ‘no. Eh marami pa pong mga—ewan ko kung nabalitaan ninyo kung ilan din iyong mga nag-test positive sa PSG at mayroon pa pong mga ibang departamento ng Malacañang ‘no. So talagang hindi mo naman pupuwedeng sabihing, “Virus, huwag kang papasok ng Malacañang ‘no,” so napasok po talaga ang Malacañang. Kaya piling mas komportable ang Presidente,” ani Sec. Roque.