Kinumpirma ng Malacañang na pinutol na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang working visit sa Japan kung saan ito dumalo sa enthronement ceremony ni Emperor Naruhito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, imbes na bukas pa sana, mamayang gabi na babalik ng bansa si Pangulong Duterte dahil sa matinding pananakit sa spinal column malapit sa pelvic bone kasubod ng pagsemplang sa motorsiklo noong Huwebes, Oktubre 17.

“The Palace announces that the President will cut short his trip to Japan due to unbearable pain in his spinal column near the pelvic bone as a consequence of his fall during his motorcycle ride last Thursday, October 17,” ani Sec. Panelo.

Ayon kay Sec. Panelo, agad magpapakonsulta bukas si Pangulong Duterte sa kanyang neurologist.

“He will return to the country early evening today, October 22, and will see his neurologist tomorrow, October 23, for consultation,” dagdag ni Sec. Panelo.

Dahil dito, hindi na dadalo si Pangulong Duterte sa court banquet ni Emperor Naruhito mamayang gabi at si Davao City Mayor Sara Duterte ang pinakiusapan nitong kakatawan sa kanya.

“The Chief Executive will thus have to miss the Emperor’s banquet this evening at the Imperial Palace and has requested Mayor Sara Duterte to represent him and attend on his behalf.”

Kanina sa pagdalo sa enthronement ceremonies, gumamit si Pangulong Duterte ng tungkod para tulungan ito sa kanyang paglalakad.

Sa kabila nito, tiniyak ni Sec. Panelo na walang dapat ikabahala sa kalusugan at kondisyon ni Pangulong Duterte at prayoridad pa rin ang pagsisilbi sa bayan.

“While this was unforseeable, the public can rest assured that there is nothing to worry as regards the physical health and condition of the President as he gives serious priority thereto in actively serving our country,” dagdag ni Sec. Panelo.