Nagpahayag ng pakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ngayong araw ng Ninoy Aquino Day o araw ng pagkakapatay kay dating Sen. Ninoy Aquino.
Sa mensahe ni Pangulong Duterte sinabi nitong kaisa siya sa pag-aalala sa ginampanang mahalagang papel at sakripisyo ni dating Ninoy para maibalik ang demokrasya sa bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, umaasa siyang matularan sana ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan ang naging buhay ni Ninoy para ang makapagsilbi ng may dignidad at dangal sa taong bayan.
Magsilbi rin sana umanong gabay ang mga ipinakitang halimbawa ni Ninoy para patuloy na maprotektahan ng bawat isa ang tinatamasang demokrasya at kalayaan.
Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na marami pang dapat gawin sa pagsugpo sa korupsyon, kahirapan at kawalan ng hustisya na noon pang panahon ni Ninoy ay nilalabanan na.