-- Advertisements --
Duterte Cagayan3
IMAGE | Sen. Bong Go

Dumating na sa Tuguegarao City, Cagayan si Pangulong Rodrigo Duterte para magsagawa ng aerial inspection sa mga lugar na sinalanta ng dumaang bagyong Ulysses.

Batay sa larawang ibinahagi ni DPWH Sec. Mark Villar, makikita na kasamang lumapag ni Duterte ang kanyang dating special assistant at ngayo’y Sen. Christopher “Bong” Go, Defense Sec. Delfin Lorenzana at iba pa.

Ayon sa ulat, haharap sa isang press briefing ang presidente matapos ang aktibidad.

Kasalukuyang nasa State of Calamity ang lalawigan dahil sa malawakang baha dulot ng mga ulan ng bagyong Ulysses at pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Batay sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 37 ang namatay dahil sa bagyong Ulysses. Pinakamarami ang sa Cagayan Valley region na 20, sinundan ng Calabarzon at Cordillera (6), at Bicol (5).

Mayroon namang 22 injuries sa Cagayan region, Calabarzon, Bicol at Cordillera. Samantalang 15 ang nawawala sa Calabarzon, Bicol at Cordillera.

Naunang dumating kanina sa lalawigan si Vice President Leni Robredo na bumisita naman at naghatid ng tulong sa mga pamilyang sinalanta ng bagyo.