-- Advertisements --

Dumepensa ngayon si Health Sec. Francisco Duque III kasunod ng mga akusasyon na dahil sa umano’y kapabayaan nito kung bakit hindi nakakuha ang Pilipinas ng maagang access sa COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer.

Paliwanag ni Duque, ang kinakailangang confidentiality disclosure agreement (CDA) sa Pfizer ay dapat pirmahan ng Office of the President (OP) at hindi ng Department of Health (DOH).

Ang gusto raw kasi ng Pfizer ay pirma mula sa OP sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.

Noong Agosto 11 ay nagpadala umano ng draft ng CDA ang Pfizer ngunit hinihintay itong pirmahan ng Office of the Executive Secretary para na rin sa lahat ng ahensya ng gobyerno.

Subalit noong Setyembre 24 ay nag-abiso umano ang ES na DOH na ang pipirma sa CDA matapos ang ilang beses na pagri-review ng mga concerned agencies.

Iginiit ni Duque na hindi maaaring pirmahan ng DOH ang naturang dokumento kung kaya’t magkahiwalay na pinirmahan ng Department of Science and Technology (DOST) at ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ang CDA. Habang si Duque naman ay pumirma noong Oktubre 20.

Ayon sa kalihim, mayroon siyang dokumento na magpapatunay sa kaniyang mga inilahad at hindi raw totoo na hindi siya kaagad kumilos ukol dito.

Nakipag-ugnayan din aniya ang ahensya sa Pfizer hinggil sa revisions ng ilang probisyon sa CDA na inilarawan naman nito bilang “one-sided.”

Pagbabahagi pa nito, noong Hunyo 24 ay nagpadala ang Pfizer ng overview ng mga dini-develop nitong candidate COVID-19 vaccine. Ni-refer naman ito ng DOH sa DOST-Philippine Council for Health Research and Development na siyang inatasan para i-evaluate ang mga bakuna.