-- Advertisements --

Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na walang basehan para ikulong ang drug war whistleblower at retired police colonel Royin Garma.

Sa ngayon kasi, ayon sa NBI chief, walang lumalabas na active warrant of arrest laban kay Garma pareho sa House of Representatives at Senado sa ilalim ng 20th Congress.

Bagamat mayroon aniyang warrant na inisyu noong 19th Congress, nagpaso na aniya ito nang matapos ang 19th Congress. Maliban dito, sinuri din nila ang lahat ng legal records ni Garma.

Kayat ang magagawa lamang aniya nila ay i-monitor at tiyakin ang seguridad ni Garma.

Sinabi din ng NBI chief na agad siyang nagpadala ng isang team para makipagkita kay Garma pagkatanggap ng impormasyon sa kaniyang pagdating sa bansa. Sa sumunod na araw napag-alaman ng NBI na nakatakdang umalis muli ng bansa si Garma para makipagkita sa International Criminal Court officials.

Hindi naman aniya nila mapipigilan si Garma na lumabas ng bansa, na nagpahayag ng takot para sa kaniyang kaligtasan dito sa Pilipinas.

Matatandaan, nauna ng ibinulgar ni Garma ang umano’y reward system sa ilalim ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon noon ng House Quad Committee sa umano’y extra judicial killings sa bansa.