-- Advertisements --

Umabot sa 2.6 milyong family food packs (FFPs) ang naka-preposition ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga maaapektuhan ng Super Typhoon Nando sa hilagang Luzon, ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si Asec. Irene Dumlao.

Ayon kay Dumlao, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa Region II o Cagayan Valley, na isa sa pinakamalakas na tinamaan ng bagyo. Tiniyak din niya na sasapat ang food sources para sa mga pamilyang nasalanta.

Batay sa datos ng DSWD, may 140,000 FFPs na naka-standby sa Cagayan Valley, 80,000 FFPs sa Cordillera Administrative Region (CAR), at 20,000 FFPs sa Batanes na handa nang ipamahagi. Dagdag ni Dumlao, bago pa man lumakas ang bagyo, nakahanda na ang kanilang mga food packs para sa agarang distribusyon.

Samantala, umabot na sa halos 2,000 pamilya ang inilikas sa Cagayan Valley, habang 232 pamilya naman ang isinailalim sa pre-emptive evacuation sa CAR.

Tiniyak ni Dumlao na maayos ang kondisyon sa mga evacuation centers, at may inilaan ding safe spaces para sa mga kabataan at bata upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan habang pansamantalang nananatili doon ang mga evacuees.