Naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang halos nasa P720,925 na paunang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Ramil, ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Linggo.
Ang nasabing tulong ay binubuo ng 382 family food packs (FFPs) at 547 ready-to-eat food (RTEF) boxes na ipinamamahagi sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Dumlao, katuwang ng DSWD ang mga lokal na pamahalaan (LGU) sa agarang pagbibigay ng tulong, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay sa ulat, umabot na sa 14,500 pamilya o 30,368 indibidwal mula sa 147 barangay sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, at Western Visayas ang naapektuhan ng malakas na ulan dulot ng bagyo.
Sa kabuuan, 3,028 pamilya o 7,834 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 131 evacuation centers.
Tiniyak naman ni Dumlao na handa pa ang ahensya na magbigay ng karagdagang tulong kung kakailanganin, dahil may mahigit dalawang milyong food packs na nakaimbak sa mga bodega ng DSWD sa buong bansa at P169 million na standby funds para sa mga operasyon sa pagtugon sa sakuna.