-- Advertisements --

Ibinida ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pangunahing programa at tagumpay nito sa paglaban sa kahirapan, pagpapalakas ng human capital, proteksyon sa mga sektor na nangangailangan, at pagtugon sa mga kalamidad.

Ginawa ng DSWD ang pahayag bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Isa sa mga pangunahing programa ng ahensya ang Walang Gutom Program, kung saan nagbibigay ang pamahalaan ng P3,000 buwanang food credits sa mga pamilyang nakararanas ng matinding kakulangan sa pagkain.

Sa ngayon, nasa humigit-kumulang 600,000 pamilya na ang nakikinabang sa programa. Target naman ng DSWD na maabot ang 750,000 food-poor households bago matapos ang taon, upang mas maraming pamilyang nangangailangan ang matulungan.

Bahagi rin ng programa ang Walang Gutom Kitchen, na nagbibigay ng mainit at masustansyang pagkain sa mga Pilipinong nakararanas ng gutom. Sa kasalukuyan, may mga operasyon na ito sa Pasay City, Cebu, at Zamboanga City, kung saan mahigit 300,000 pagkain na ang kanilang naibigay.

Samantala, pinalalakas din ng DSWD ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang bahagi ng pamumuhunan sa kinabukasan ng pamilyang Pilipino.

Ayon sa ahensya, nasa 1.6 milyong household beneficiaries na ang nakalabas sa programa matapos makitaan ng pagbuti ng kanilang kalagayan.

Tumutulong ring ang DSWD sa mga mas nangangailangang sektor. Kabilang dito ang tulong para sa mga pamilyang nag-aalaga ng mga batang may kapansanan, mga batang ina, at biktima ng online sexual exploitation.