TALISAY CITY – Pinatay at iginapos sa poste ang isang drug user sa Barangay Campo 4, lungsod ng Talisay, probinsiya ng Cebu.

Kinilala ang biktima na si Jerh Sege, 27 taong gulang, may anak, isang welder at residente ng Sitio Sombrea, Barangay Lawaan I, sa nasabing lungsod.

Sa panayam ng Bombo News Team kay Charles Sege, ang kapatid ng biktima, sinabi nito na noong nakaraang linggo pa hindi umuwi ang kanyang nakakatandang kapatid ngunit patuloy naman diumano ang kanilang komunikasyon.

Ngunit kanilang ikinabahala nang hindi na ito nagpaparamdam sa huling tatlong araw.

Inamin rin ni Charles na gumagamit ng iligal na droga ang kanyang kapatid ngunit hindi naman ito nagtutulak at sa katunayan nga, sinasabing kasa-kasama ito ng kanilang ama sa pagwe-welding.

Narekober sa crime scene ng SOCO ang siyam na empty shells ng armas at isang karatola na nakasabit sa lubid na iginapos sa biktima kung saan nakasulat ang mga katagang, “Tumigil na kayo kung hindi kayo na ang isusunod. Holdaper, drug pusher at killer, drug lords.”

Sa ngayon, nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Talisay City PNP sa sunod-sunod na pagpatay sa kanilang area.

Nabatid na ito na ang ika-anim na patay sa lungsod sa loob lamang ng linggong ito.