Naniniwala si La Union Rep. Paolo Ortega na ang malaking pagtaas ng trust rating nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ng Kamara de Representantes, sa ilalim ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ay isa umanong patunay ng epektibong pamumuno.
Ayon kay Ortega ito ay isang kumpirmasyon ng tiwala ng publiko sa kahanga-hangang performance ng administrasyon ni Marcos at ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez.
Pahayag ito ni Ortega batay sa pinakahuling survey na nagpapakitang tumaas ang trust rating ni Pangulong Marcos Jr. ng 12 percentage points mula 36 porsyento noong Abril, naging 38 porsyento noong Mayo, at umabot sa 48 porsyento nitong Hunyo.
Ayon sa parehong survey, umakyat din ang trust rating ng Kamara ng 23 percentage points sa huling tatlong buwan ng ika-19 na Kongreso mula 34 porsyento noong Abril, naging 49 porsyento noong Mayo, at umabot sa 57 porsyento noong Hunyo.
Nagtapos ang termino ng nakaraang Kongreso noong Hunyo 30.
Dahil dito ayon sa mga ulat, tiyak na umano ang boto ng supermayorya ng mga miyembro ng Kamara kay Romualdez sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hulyo 28, kung kailan ihahalal ang Speaker ng mas malaking kapulungan.