CENTRAL MINDANAO-Nahuli ang tinaguriang ‘Drug Queen’ sa ikinasang drug buybust operation ng pulisya sa Purok Bougainvillea, Brgy. Sta. Cruz, Aleosan, Cotabato.

Nakilala ang naarestong suspek na si Vanessa Faye Arco alyas Queen, 41-anyos, may asawa, online seller at residente ng Brgy. San Isidro, Midsayap, Cotabato.

Ayon kay Police Maj. Maxim Valdez Peralta, hepe ng PNP-Aleosan, nakipagsundo si Queen sa isang pulis na umaktong poseur buyer upang pagbentahan ng droga at nang matapos ang nangyaring transaksyon ay dito na ito inaresto ng mga kapulisan.

Nakuha sa posisyon ng suspek ang dalawang maliliit na pakete ng pinaniniwalaang naglalaman ng shabu at P500 marked money.

Sinabi pa ni Maj. Peralta na kabilang sa Municipal Target List ng otoridad si Queen.

-- Advertisement --

Nakapiit na ngayon ang suspek sa custodial facility ng PNP-Aleosan at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.