BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ang isang hinihinalang drug personality matapos itong makipagbarilan sa mga operatiba sa naganap na buy-bust operation sa Banangan, Sablan, Benguet.

Ayon kay P/Cpt. Salvador Anas, hepe ng Sablan PNP, ang nasawing suspek ay kinilalang si Arturo Apolinario Bullo, 46-anyos, may asawa at residente ng Km. 4, Asin Road, Baguio City.

Ayon kay Anas, sa operasyon ay ibinenta ni Bullo ang isang pakete ng umano’y shabu sa isang pulis.

Gayunpaman, nahalata ng suspek na pulis ang bumili ng iligal na droga.

Dahil dito, binaril ng suspek ang pulis na nagresulta sa pagkatumba ng pulis na nakasuot ng bulletproof vest.

Gumanti ang mga operatibang kasama ng pulis at binaril nila ang suspek na agad namang naisugod sa pagamutan ngunit naideklarang dead on arrival.

Narekober sa lugar ng insidente ang mga bala ng iba’t-ibang uri ng baril, motorsiklo ng suspek, P3,000 na buy-bust money at dalawa pang pakete ng shabu.