Nilinaw ng Department of Energy (DOE) na walang dapat ikabahala ang mga consumer hinggil sa posibleng epekto sa lokal na industriya ng langis ang pag-atake ng mga rebelde sa oil facilities sa Saudi Arabia.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Oil Industry Management Bureau (OIMB) Asst. Director Rodela Romero na hindi pa nakaka-alarmang maituturing ang insidente dahil sapat pa ang supply ng langis sa bansa.

Batay sa datos ng DOE, 12.60% lang ng kabuuang imported na langis ang inangkat ng estado mula sa Saudi para sa unang bahagi ng 2019.

Pinaka-mababa na itong maituturing, kumpara sa langis mula United Arab Emirates na 32%, at Kuwait na 26.30%

Bukod dito, bumibili rin daw ng langis ang Pilipinas sa mga karatig na bansa gaya ng Malaysia.

Ayon kay Romero, nagpulong na ang buong Energy department sakaling lumawak ang epekto ng pag-atake sa naturang oil facility.

Nilinaw din nito naka-depende pa rin sa Singapore-based na Mean of Platts ang presyo ng oil products sa bansa.

Una ng sinabi ng Estados Unidos na handa nilang buksan ang kanilang oil reserve para mapanatili ang pantay na bentahan ng langis sa world market.