CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos na mabangga ng sasakyan na minamaneho ng isang pulis sa Barangay 2, San Mateo, Isabela.

Ang biktima ay si Kennedy Castillo, 44 anyos, tricycle driver at residente ng nasabing lugar.

Ang tsuper ng sasakyan na nakabangga sa biktima ay si Police Patrolman Jun Primero, residente ng San Andres, San Mateo, Isabela at nakatalaga sa Police Regional Office 3 sa Pampanga.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Mateo Police Station, binabagtas ng biktima ang lansangan na nasasakupan ng Dagupan, San Mateo nang mabangga ng sumusunod na Hyundai accent na minamaneho ni Patrolman Primero.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Dinala rin sa ibang pagamutan si Patrolman Primero dahi sa mga tinamong sugat.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang pamilya ng biktima at magiging tugon ng nasabing pulis habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.