Pansamantalang nakalaya ang drag artist na si Pura Luka Vega, tatlong araw matapos itong makulong dahil sa kinakaharap na mga kaso sa Manila Regional Trial Court.
Nabatid na ilang tagasuporta ni Vega o Amadeus Fernando Pagente sa tunay na buhay, ang nagbayad ng piyansa para sa kaniya.
Umaabot sa P72,000 ang inilagak nitong bail bond para ma-release sa bilangguan.
Ayon kay Manila Police District Station 3 Chief, P/Lt. Col. Leandro Gutierrez, pinakawalan si Pura dahil may release order na ito mula sa hukuman.
Sinasabing nakalikom ang supporters ng drag artist ng kalahating milyon, mula sa iba’t-ibang fund raising activity.
Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ni Pura ang: immoral doctrines, obscene publications, exhibitions at indecent shows.
Umagaw ng pansin ng publiko ang ginawang version ni Vega ng “Ama Namin” na ginawa nitong remix sa kaniyang drag show.
Maliban sa mga kaso, idineklara din siyang persona non grata sa mahigit isang dosenang lugar mula Luzon hanggang Mindanao.
















