Pabor si Kalihim Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aaralan at rerepasuhin ng kanyang ahensya ang kasalukuyang sistema ng paglalaan ng budget sa lahat ng mga distrito sa buong bansa.
Layon nitong matiyak na ang distribusyon ng pondo ay patas at naaangkop sa mga pangangailangan ng bawat distrito, at upang matugunan ang anumang mga pagkukulang o hindi pagkakapantay-pantay sa kasalukuyang sistema.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng mungkahi ni Rep. Leandro Legarda Leviste ng Batangas, na nagpahayag ng kanyang paniniwala na dapat gawing equitable o pantay-pantay ang alokasyon ng pondo sa pagitan ng iba’t ibang mga distrito.
Mungkahi ni Leviste, ang alokasyon ng pondo ay dapat ibatay sa dalawang pangunahing salik: ang populasyon ng bawat lugar at ang lawak ng lupain nito.
Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa parehong populasyon at lawak ng lupain, masisiguro na ang mga distrito na may mas malaking populasyon at mas malawak na lugar ay makakatanggap ng sapat na pondo upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa imprastraktura.
Sa isinasagawang budget deliberation para sa DPWH sa House Appropriations Committee, ipinahayag ni Kalihim Dizon ang kanyang paniniwala na kinakailangang muling suriin nang masusing ang kasalukuyang formula na ginagamit sa paglalaan ng budget.
Nangako rin ang kalihim ng mas mahigpit na pananagutan mula sa mga kontraktor at mga kawani ng ahensya na nasasangkot sa mga proyektong substandard at ghost projects.