-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bicameral conference committee na ibalik ang P45 bilyong tinapyas sa panukalang pondo nito para sa humigit-kumulang 10,000 proyekto sa 2026.

Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, posibleng hindi ganap na maipatupad ang mga proyekto kung hindi maibabalik ang pondo.

Ang pagtapyas sa badyet ay nag-ugat sa paggamit ng Senado ng revised Construction Materials Price Data (CMPD) bilang batayan ng across-the-board cut. Giit ng DPWH, dapat ito ay ipatupad per-project basis dahil nagkakaiba ang presyo ng materyales depende sa lokasyon. Nilinaw ni Dizon na ang restoration ay hindi nangangahulugang babawasan ang pondo ng bawat proyekto, kundi para masigurong maipatupad ang mga proyekto nang buo.

Uminit ang talakayan sa bicam matapos igiit ng Senado ang kanilang mga bawas, habang babala ng ilang mambabatas sa Kamara na maaaring gawing unimplementable ang mga proyekto na nagkakahalaga ng tinatayang P400 bilyon. Pinanindigan naman ng Senado ang kanilang batayan, at sinabi na maaari pa ring maisakatuparan ang mga proyekto kung babaguhin ng DPWH ang saklaw nito ayon sa pondong inaprubahan.

Nilinaw ni Dizon na susunod ang ahensiya sa magiging desisyon ng Kongreso at hindi na ginagamit ang lumang presyo ng construction materials. Ang mga bawas sa badyet ay kasunod ng flood control scandal, kung saan nadiskubre na may ilang DPWH projects na overpriced o substandard. (report by Bombo Jai)