-- Advertisements --

Nagsasagawa na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng malawakang inventory ng mga lumang tulay sa buong bansa.

Ito ay kasabay ng restriction na ipinatutupad ng DPWH sa San Juanico Bridge, ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas na mahigit 50 taon nang nagsisilbiang pangunahing connection sa pagitan ng Leyte at Samar.

Ayon kay DPWH Sec. Manuel Bonoan, umabot na sa mahigit 1,500 tulay ang naisailalim sa mga serye ng inspection at assessment maliban pa sa San Juanico.

Pag-aaralan dito kung ano ang nararapat gawin sa mga lumang tulay tulad ng rehabilitasyon, retrofitting, at iba pang uri ng pagsasa-ayos para maprotektahan ang structural integrity ng mga ito.

Batay sa inisyal na assessment at validation, kalahati sa mga ito ay nangangailangan ng retrofitting at widening o pagpapalawak.

Ang iba sa mga ito, ayon kay Sec. Bonoan, ay kailangan nang palitan o kailangan ng kahaliling mga tulay.

Giit ng public works secretary, mahalagang matukoy at mapangalagaan ang kalidad ng mga tulay upang hindi magdulot ng anumang aberya o banta sa kapakanan ng mga pedestrian at mga biyaherong dumadaan sa mga ito.