Sinisi ni Public Works Secretary Manuel Bonoan ang mababaw at baradong mga ilog, pati na ang bawas sa pondo ng mga flood control projects, sa malawakang pagbaha sa bansa matapos ang ilang araw ng pag-ulan.
Ayon kay Bonoan, nang maupo siya noong Hulyo 2022, matagal nang problema ang pagbaha dahil sa silted o mababaw na mga ilog. Ipinangako niyang tututukan ng DPWH ang desilting o paglilinis ng mga pangunahing ilog upang mapabuti ang daloy ng tubig.
Una nang binatikos ng publiko ang gobyerno dahil sa mga proyektong may kinalaman sa baha na hindi gumana sa gitna ng malalakas na ulan, sa kabila ng bilyong pisong ginastos ng pamahalaan.
Matatandaan sa State of the Nation Address (SONA), binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tiwaling opisyal at kontratista na gumawa ng palpak, at guni-guni na flood control projects at nagbantang mananagot ang mga nangurakot sa likod ng “ghost projects”.
Nangako ang pangulo na magkakaroon ng audit at magsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na sisimulan sa Agosto, 2025.
Sa isa pang pahayag sinabi ni Bonoan na may mga proyektong idinadagdag pa kahit tapos na ang pagpasa ng budget, kaya lalong nadaragdagan ang trabaho ng ahensya.
Sa ngayon, nasa 9,856 flood control projects na ang natapos, habang 5,700 pa ang kasalukuyang ginagawa. Gayunpaman, inamin ng DPWH na wala pang iisang national master plan para labanan ang baha.
Samantala, sinabi ni Senate President Chiz Escudero na maghahain siya ng panukala upang ipagbawal ang mga opisyal ng gobyerno at kanilang mga kamag-anak hanggang ikaapat na antas na maging supplier ng gobyerno, bilang pag-iwas sa conflict of interest.