Sinuspinde ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang lahat ng road reblocking operations sa buong bansa matapos matuklasan ang mga umano’y maanomalyang proyekto sa Bulacan at Cagayan.
Ayon kay Dizon, exempted lamang sa indefinite suspension ang mga maintenance works na talagang kailangang ayusin dahil may sira ang kalsada.
Giit niya, posibleng pinagkakakitaan ng ilang tiwaling opisyal ang mga reblocking projects, kaya iimbestigahan at pananagutin ang mga sangkot.
Dagdag pa ng kalihim, kabilang ito sa serye ng mga repormang isinusulong niya sa DPWH upang labanan ang katiwalian.
Kabilang pa sa mga ipatutupad na reporma ang mas mahigpit na parusa at safeguards sa flood control at slope protection projects, pati na ang Citizen Participatory Audit para sa mas bukas at transparent na pamamahala sa mga proyekto ng ahensya.