Target daw ng Department of Transportation (DOTr) na pabalikin ng partial ang operasyon ng public transportation sa gitna ng patuloy pa ring krisis na epekto ng COVID-19 pandemic.
“Kung papayagan po ng IATF, magpapartial operability tayo pero ‘yung operational capacity will be abbreviated at mababawasan upang ma-maintain ang mga patakaran ng Department of Health sa social distancing,” ani Transportation Sec. Arthur Tugade.
Ayon sa kalihim, nag-sumite na ang kanyang tanggapan ng proposal sa Inter-Agency Task Force kaugnay nito.
Kabilang daw sa planong pabalikin ng DOTr sa partial operation ang mga bus at linya ng tren.
Pero nilinaw nitong may mahigpit na regulasyong kaakibat ang planong partial resumption.
Ito ay para matiyak na masusunod pa rin daw ang patakaran ng Department of Health na physical distancing.
Sakaling aprubahan, lilimitahan ng DOTr sa 30-percent ang pasasakayan sa mga bus at tren gaya ng MRT, LRT Line 1 at 2, at PNR.
Ipapatupad din daw ng Transportation department ang ban sa mga walang face masks, paggamit ng thermal scan at physical distancing.