-- Advertisements --
DOT SEC. BERNA PUYAT

Matapos langawin ang unang araw ng pagbubukas ng Baguio City sa mga local tourist, pursigido ang Department of Tourism (DoOT) na isagawa na sa City of Pines ang antigen test para sa mga papasyal sa naturang lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Tourism Sec. Bernadette Romula-Puyat, sinabi nitong mas mabilis kasi ang proseso ng antigen test na mas pabor sa mga turistang nais agad makapasok sa lungsod.

Pero kailangan pa rin naman aniya ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test kapag papasok sa lungsod.

Nakausap na rin umano ni Puyat si Baguio City Mayor Benjamin Magalong para sa naturang proyekto at doon isasagawa ang pilot testing.

Samantala, kasabay ng pagbubukas ng turismo sa Ilocos Norte at Ilocos Sur, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOT sa mga gobernador ng mga ito.

Kasama raw niya ang mga opisyal sa pag-uusap noong plano nilang buksan ang turismo sa Ilocos Region para sa mga kalapit na probinsiya.

Nabatid na dahil sa tinatawag na “travel corridor,” pinayagan na ang mga turista mula sa Ilocos Region at Baguio City na pumunta sa kanilang lugar pero kailangan muna nilang magrehistro gamit ang digital application para maiwasan ang contact sa mga tourism officers dahil pa rin sa covid.

Samantala, kinumpirma rin ng kalihim sa Bombo Radyo na bagama’t negatibo ito sa COVID-19 matapos magkaroon ng contact sa COVID positive ay kasalukuyan itong naka-quarantine.

Dahil dito kaya hindi na ito nakadalo sa reopening ng Boracay noong Oktubre 1 pero hindi naman daw makakahadlang ang COVID dahil babalik pa rin ito sa tanyag na isla.