-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa ilalim ng tinatawag na floating status ang ilang mga opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) na dating namumuno sa mga kadete kaugnay sa kontrobersyal na pagkasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ito’y matapos pare-pareho silang sinibak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakabase sa Camp Aguinaldo dahil bigong mapigil ang pagmaltrato ng pitong PMA upperclass men kay Dormitorio hanggang tuluyang mamatay sa Baguio City noong Setyembre 2019.

Sinabi ni PMA spokesperson Capt. Cheryl Tindog sa Bombo Radyo na nasa holding office lamang ang army tactical officers at tatlong medical officials dahil sa pangyayari.

Naka-hold din aniya sina dating PMA Supt. Lt. Gen. Ronnie Evangelista at former Commandant of Cadets B/Gen. Bartolome Vicente Bacarro na pending sa ebalwasyon kung kabilang sila na maisailalim sa general court martial.

Dagdag ng opisyal na nasa iisang holding office at wala munang anumang assignments sina Maj. Rex Bolo, Capt. Jeffrey Batistiana, Capt. Flor Apple Apostol, Capt. Maria Ofelia Beloy, at Lt. Col. Cesar Candelaria.

Maliban sa pitong kadete na pinamunuan ni PMA Cadet 1st Class Axl Ray Sanopao na kinasuhan ng kriminal, nahaharap din sa derilection of duty ang PMA military physicians dahil sa nakikitang ilang iregularidad ng kanilang findings nang maisugod sa ospital si Dormitorio na tubong Cagayan de Oro City.